Masarap tuwing umuulan. Lumalamig ang paligid. Lumilinis ang hangin. Masarap din kung bumabagyo. Walang pasok. Kung meron man, magaan lang ang trabaho. Kahapon bumisita si Milenyo na may dalang malakas na hangin at ulan. Isa daw yata ito sa mga pinakamalakas na bagyo sa Pilipinas ngayong taon.
Pero paggising ko sa umaga, para sa kin wala lang ang bagyo. Napasarap ang tulog ko kaya medyo tanghali na ang bangon. Paglabas ko naman, makulimlim ang langit kaya hindi ako pinagpapawisan maglakad. Mahangin pa parang sa Tagaytay. Pagdatingko sa opisina, walang gaanong tao. Pinauwi na pala yung iba. Kaya pala may nakasalubong ako sa daan. Akala ko bibili lang ng pagkain sa labas dahil baka sarado ang canteen.
Wala naman ako magagawa sa bahay kung uuwi ako kaya tumambay na lang ako sa opisina. May free lunch, may internet at may kuryente pa! Brownout na daw sa ibang lugar. Kahit nasa loob kami ng opisina, naririnig ko alulong ng hangin at mga pagaspas ng sanga ng mga puno sa labas. Nabali na nga kahit ang ibang malalaking sanga. Pero parang malayo pa rin ako sa pangyayari. Wala ang pansin ko sa bagyo.
Iniisip ko kung paano palilipasin ang oras kung sakaling lalabas na ako sa opisina. Paano kung walang kuryente? Syempre, walang TV, walang sounds! Nananawa na rin ako mag-surf at kumanta sa opisina. Naisip ko na dahil matagal na ko hindi nakakapanood ng sine, manoud kaya ako ng sine. Malamang naman may kuryente sa mga malls. May generator naman sila.
Alas-4 ng hapon na ako umuwi. Nakita ko sa daan yung mga nagbagsakang sanga. Sarado na rin mga stand alone fastfood. Brownout kasi. Maski ibang ATM nakapatay na. Napansin ko rin na mahina ang signal ng Globe. Pagdating ko nga sa bahay, wala nang network coverage.
Dahil siguro sa pagod kakatingin sa computer, umidlip na muna ako. Mabuti na lang presko kahit brownout. Alas sais na ako gumising. Tamihik ang paligid. At syempre dumililim na. Naggayak na ko para pumunta sa mall.
Gateway sana. Kaso parang sarado yata kahit sa malayo pa lang. Walang ilaw sa second floor. Ortigas galleria na lang. Pagbaba ko, sarado din! Yung Ministop lang ang bukas. Gusto ko na sana umuwi kasi malamang sarado din yung ibang malls. Kaso wala naman ako masakyan pabalik. Puno na yung mga sasakyan pagdatin sa Ortigas. Sa isang bus, may nakita akong mama. May dala syang bag galing SM. May nakakabit pang resibo! Malamang bukas ang SM. Galing Galleria nilakad ko na lang papuntang megamall. E sa wala akong magawa e!
At ayun, bukas nga ang megamall. Yipee! Tiis nga lang ng konti dahil walang aircon. Pagkatapos ng isang fast food dinner nanood na lang ako ng sine. DOA. Ok naman lalo na yung fight scene na naka-bikini yung magkalaban. Umuulan din kasi sa eksena. Sa totoo lang gusto ko ulitin yung pelikula kasi nga wala naman akong magawang iba. Ayaw ko pa umuwi. Para naman kasi nasa bartolina ako kung uuwi ako. Madilim. Mag-isa. Tahimik. Malamig. Pero ang korny naman di ba kung uulitin ko? So umuwi na ako.
Dun ko na nabasa yung text ng kapatid ko. Bumaha daw sa bahay namin sa Laguna. Pumasok daw yung tubig sa bahay. Hangga bewang! At yung isa sa mga kinakatakutan ko tuwing may bagyo, nangyari. Nabuwal yung puno ng mangga malapit sa bahay! mabuti na lang at wala daw damage sa bahay. Nag-alala naman ako. At medyo nakonsensya. Heto ako nililibang ang sarili habang sila siguro abala sa pagliligpit ng gamit para hindi mabasa. Sila pa ang nakuhang kumustahin ako. Hindi ko man lang naiisip kung ano na kalagayan nila.
Pero mabuti naman at tapos na ang bagyo. Mabuti naman at kahit papaano ay mabuti ang kalagayan ng lahat ng mahal ko sa buhay. Hindi tulad ng iba. Yung mga inanod ang bahay. Yung nadaganan ng billdboards. Yung mga na-stranded. Yung mga namatay. Mabuti na lang wala sa amin ang sinapit na ganun. Nagpapasalamat pa rin ako.