Kasama ako kahapon sa pamamanhikan ni utol. Hindi ko naman talaga kailangan sumama. Gusto ko lang ipakita ang suporta ko sa kanya. Isa pa, isa na naman yun sa mga bilang na pagkakataon na mabuo pamilya ko kahit sandali lang. Nandun si tatay, si nanay, at si utol. Bakit pa ako magpapaiwan? Kasama din ang 3 tita ko ( 2 pinsan ni nanay, 1 kapatid). Suportado talaga namin si utol. Sa totoo lang, iba yung saya kapag nakikita na nagkakaisa ang mag-anak. Paano pa kung dalawang mag-anak magkakaisa?
Na-set na ang petsa at lugar ng kasal. Dati balak talaga nila utol kumuha ng caterer. Para konti na lang poproblemahin. Kaso dahil gusto talaga makisalo sa paghahanda para sa kasal, nagmungkahi yung magiging byenan nya na magluto na lang. Sabi nya dapat talaga pinaghihirapan ang ganung okasyon. Minsan lang naman daw yun. Sabi nila pangit kasi ang pakiramdam na parang bisita ka lang sa kasal ng sarili mong anak. May punto sya. Hindi rin naman kami papayag na hindi si nanay tumahi ng pangkasal!
Mabuti at medyo madaling pakisamahan kamag-anak ng magiging hipag ko. Iba talag ang kapangyarihan ng videoke at beer! Ayun si tatay humataw na naman sa videoke. Kahit namana ko sa kanya yun, minabuti ko na manood na lang muna. Puro sinaunang mga kanta kasi. Wala namang kanta ng Cueshe o Hale. Isa pa, nawili yata talaga si tatay. Kasi ba naman nung hindi nakanta ni nanay ng maayos ang ‘Isang Linggong Pag-ibig’, inagaw ni tatay yung mic! Medyo kinalimutan ko na rin muna ang clean living image ko at nakiinom naki-red horse na rin. Hirap kasi tumanggi lalo na kung nanay ko na umaalok! Naging masaya naman talaga yung nangyaring pamamanhikan.
Pero akala ko masaya na talaga yung araw na yun. Hindi ko kasi nakita. Huli na kasi ako dumating. Bago pumunta sa bahay ni hipag-to-be, sinundo kami ni utol sa isang mall. Iba-iba kasi pinaggalingan namin. Ako sa QC. Si nanay sa Laguna. Si tatay sa Paranaque. Si utol sa Mandaluyong. Napagkasunduan na sa isang mall na lang muna magkita bago sabay-sabay pumunta sa bahay nila hipag-to-be.
Nung nagkita daw yung mga magulang ko kahapon, inabot ni nanay kamay nya kay tatay para mangamusta. Saradong kamay naman inabot ni tatay. Isang malaking insulto yun para sa nanay ko pero kinimkim nya yun at todo ngiti pa rin habang namamanhikan. Kung ako mismo nakasaksi sa ginawa ni tatay, malamang mapagsasabihan ko yun! Haaaay…