Dahil wala akong magawa sa bahay noong nakaraang linggo, minabuti ko na kalkalin lahat ng files ko sa computer. Binuksan ko ang mga lumang dokumento at larawan na nagpaalala ng mga lumipas na panahon. Isa sa mga naungkat ko ay isang liham na sinulat ko noong 16Nov2002 para sa ilang mga kaibigan. Hindi ko na maalala kung napadala ko ba yon o rough draft lang. Pero labis akong naaliw sa sarili ko nung nabasa ko pinagsusulat ko noon. Ganun naman talaga ako, marunong maglibang ng sarili. Baliw, sa madaling salita. Heto nga pala yung liham ko na galing pa sa electronic na baul.
Mahal kong kaibigan,
Sana ay nasa mabuti kang kalagayan habang binabasa mo ang aking liham. Kung ako naman ang iyong tatanungin, maipagmamalaki ko na ako ay humihinga pa rin. Masmadalang na ako dalawin ng kabugnutan. Ngunit ako ay nababahala sapagkat napapadalas din ang aking pagtawa at pagngiti dahil sa mababaw maging sa walang dahilan. Kinakailangan ko na siguro kumunsulta sa isang dalubhasa sa pag-iisip.
Bago ko gawin yun, nais muna kitang kumustahin. Sana naalagaan mo ang sarili mo. Sana ay masaya ka sa trabaho mo. Ako naman ay na nagiging komportable na sa aking pinapasukan. Unti-unti ko nang nalilinlang ang aking mga kasama sa trabaho. Nakuha ko na ang tiwala ng karamihan sa kaniha at naging panatag na rin ang loob ko sa iba sa kanila. Sa katunayan nga, malaya ko naiindak ang aking katawan habang nakaupo sa saliw ng tugtugin ni Eminem na “Lose Yourself”, tulad ng ginagawa ko sa dati habang napapakinggan ang “Get Your Freak On” ni Missy Elliot. Minsan din naman ay nakikiisa ako sa kanila sa pagpalakpak na nakataas ang kamay sa ibabaw ng ulo tulad ng ginawa ng mga manonood ng A.S.A.P. Labis ko itong ikinatutuwa at sa aking palagay isang itong senyales na lumuwag na ng tuluyan ang aking turnilyo.
Ngunit may mga pangyayari sa aking pinapasukan na di ko nais. Nahahalata na nila ang aking tinatagong kagalingan. (GWARK!!!) Dahil dito mapapasama ako sa mga taong mapapatawan ng mabigat na tungkulin. Akin pa namang inakala na makakaligtas na ako sa ganitong mga sakit sa ulo nang ako ay lumisan ng dati kong trabaho. Isa itong masaklap na pangyayari.
Maliban doon, may iba pang mga suliranin akong nababanaag na parating. Hindi ko naman malulutas ang mga yaon habang hindi pa sila dumarating. Sa ngayon ako ay uutot na muna. (Iyong ipagpaumanhin.)
Sana nagpinta ng ngiti sa iyong mukha ang aking pag-utot. Hindi naman talaga ako umutot. Nagpapatawa lang. Ngunit huwag mong iisipin na hindi ako umuutot. Hindi ko lang ito ipinapahalata.
Alam kong kasing dalang ng mabuting pagulo sa Pilipinas ang aking pagsulat sa iyo kung kaya’t nais ko ito hahabaan ng kaunti. Ngunit ako ay nahihirapan lumiham ng mahaba kaya huwag na lang. Wala naman pangyayari o pagbabago sa buhay ko na maaari kong ibahagi sa iyo. (‘Yung mga ginawa kong maaaring magdawit sa akin ay hindi ko maaaring ibahagi. BWAHAHA!!!)
Kung ano ako noon, sa aking palagay, ay gunun pa rin ako ngayon. Ikaw ba ay nagbago na? Kapag wala na ngang pagbabago sa buhay ko, yung ayos na lang ng buhok ko ang nag-iiba. Sya nga pala, nagpagupit na uli ako. Maiksi na uli ang buhok ko. Marami ang ayaw sa aking buhok ngunit hindi ko na problema yun.
Bago ko makalimutan, isa sa mga dahilan ng aking pagliham ay upang manawagan sa inyong kagandahan-loob para turuan ako ng iba mong wika. (Hindi ko alam kung ano tawag sa iba mong wika e.) Hindi ako umaasa sa isang pormal na pagturo. Nais ko lang sana ibahagi nyo sa akin ang mga nalalaman nyong mga mura at ang mga salin nito sa Pilipino o Ingles. Mura nga po. (Halimbawa: P-t-ng I-a!) Hindi mo na itatanong, malaki ang maiitulong nito sa aking pakikipagkapwa tao.
Hanggang dito na lang po muna ang aking liham. Maglilinis muna ako ng ilong. Nahihirapan na ako huminga dahil sa mga kulangot. Sana maluwag ang iyong paghinga.
Nangungulila,
Ako